Wala ring Christmas party sa mga barangay sa Quezon City – Joy Belmonte

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na wala na ring magaganap na Christmas party sa may 142 barangays.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ito ay bilang suporta sa kanyang unang kautusan na huwag nang magdaos ng Christmas party ang lahat ng mga tanggapan ng QC Hall.

“Hindi kasama ng aking directive ang mga barangay pero sinabi nila sa akin na maging sila ay hindi na rin magsasagawa ng Christmas party kaya ako ay natutuwa dahil maging sila ay nakiisa sa aking direktiba, “ pahayag ni Belmonte.

Samantala, iniulat ni Belmonte na aabutin ng hanggang sa Oktubre 15 ang kanilang gagawing pamimigay ng helmet sa mga bikers na indigent at senior citizen sa lungsod. May mahigit na aniya sa 400 helmet ang naipamahagi kahapon at asahan na hanggang sa Oktubre 15 ay maipamimigay ang kabuuang 2,000 helmet para sa mga bikers para mapangalagaan ang kanilang kaligtasan sa daan o lansangan.

Kasunod ito sa kanilang ordinansa na nag-aatas na “mandatory” na ang pagsusuot ng helmet para sa ligtas na paglalakbay ng mga bikers. Para naman sa mga lalabag, may karampatang multa na P1,000 sa 1st offense, P,3000 sa 2nd offense at P5,000 sa 3rd offense.

Show comments