Bar sa Quezon City ni-raid: 100 kustomer at empleyado huli

MANILA, Philippines — Nasa100 kustomer at empleyado ng isang bar na sinasabing nagdaos ng party ang inaresto dahil sa paglabag sa quarantine protocols sa Tomas Morato, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Noli Abalos, hepe ng Kamu­ning Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon na marami ang nag-iinuman sa loob ng bar kahit lagpas na sa curfew.

Sa pagpapatrol ng mga pulis, napansin din nila na maraming mga nakaparadang sasakyan sa labas ng naturang bar at may ingay pa na naririnig sa loob.

Sa pagpasok ng mga pulis, dakong alas-10:30 ng gabi ay nakita na maraming tao sa loob ng bar at hindi na nasusunod ang physical distancing kaya’t tuluyan nang sinalakay ito na ikinadakip ng nasa 100 katao kabilang na ang mga empleyado at may mga dayuhan pang kustomer.

Mahaharap ang mga nahuli sa patung-patong na reklamo gaya ng paglabag sa mga ordinansa sa curfew, liquor ban, physical distancing, hindi pagsusuot ng face shield, at mass gathering.

Show comments