11 pulis bulacan sinibak sa pagpatay sa 6 suspects
Pekeng drug bust…
MANILA, Philippines — Pinasibak na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Gamboa ang 11 pulis na inaakusahan umanong kumidnap at pumatay sa anim na drug trafficker sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
“I will not tolerate any wrongdoing in the service. Those accused must be made to answer for their criminal acts. In the meantime, it is best that they are relieved from duty to eliminate any suspicion of whitewash or coddling,” ani Gamboa.
Inatasan na rin ni Gamboa ang Central Luzon police na isailalim sa kustodiya ang 11 miyembro ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose Del Monte City Police Station habang patuloy ang imbestigasyon.
Nauna na ring inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kasong kidnapping with murder at planting of evidence ang mga pulis na sina Police Maj. Leo Commendador dela Rosa; Police Staff Sergeants Benjie Enconado, Jayson Legaspi, Irwin Yuson at Edmund Catubay Jr.; Police Corporals Jay Leoncio, Herbert Hernandez, Raymond Bayan at Raul Malgapo; Patrolmen Erwin Sabido at Rusco Madla.
Una nang sinabi ng Bulacan police na drug suspeks ang anim at nasawi dahil sa palitan ng putok matapos magtangkang tumakas.
Subalit, ayon sa NBI, hinuli ang mga suspek sa harap ng bahay ni Dela Rosa at dinala sa opisina nito kung saan tinali habang naka-blindfold.
Makaraan ang ilang araw, dinala ng mga pulis sa isang lugar ang mga biktima at pinagbabaril upang ipakita na nanlaban ang mga ito.
- Latest