4 terorista patay, 1 bomber tiklo sa sagupaan

MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah Nilong group ang nasawi habang naaresto ang isang bomber matapos mauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng mga pulis ng warrant of arrest sa bayan ng Polomolok, kamakalawa.

Ang mga napatay ay kinilalang sina Muad Naji; Noel Castrana; Amir Paglangan; at Otto Alangan, pawang residente ng Purok Maguindanao, Barangay Lumakil. Habang nadakip si Daryl Sumbreal na umano ay bomb expert.

Batay sa ulat, bago naganap ang engkuwentro, dakong alas- 6:00 ng umaga ay target ng pulisya na arestuhin ang isang Sadan Macabangin sa mga kasong murder, attempted murder at robbery.

Habang papalapit ang mga pulis sa sinasabing pinagtataguan ni Macabangin ay agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng mga suspek, kaya’t napilitang gumanti ang mga ito na nauwi sa engkuwentro.

Tumagal ng ilang mi­nuto ang palitan ng putok na ikinasawi ng apat na terorista habang nahuli si Sumbreal na hawak-hawak pa ang isang shotgun.

Nakatakas habang nagkakaputukan ang target ng pag-aresto na si Macabangin na responsable sa pananambang sa dalawang pulis sa Polomok, kamakailan.

Show comments