Kaso ng COVID-19 lolobo hanggang 95K sa Agosto

Sa prediksyon ng UP, maaaring maglaro mula 61,332 hanggang 95,590 ang mga kaso sa Agosto 31 kung saan ang nasa gitna nito o ‘cumulative count’ ay nasa 78,641.
STAR/Walter Bollozos, file

MANILA, Philippines — Ayon sa prediksyon ng University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team ay tinatayang sasampa ng mas mataas pa sa 95,000 sa katapusan ng buwan ng Agosto ang kaso ng coronavirus disease base sa kasalukuyang paglago ng bilang ng mga nahahawahan ng virus sa Pilipinas.

Sa prediksyon ng UP, maaaring maglaro mula 61,332 hanggang 95,590 ang mga kaso sa Agosto 31 kung saan ang nasa gitna nito o ‘cumulative count’ ay nasa 78,641.

Ibinase ang mga numero sa nabuong ‘projection model’ ng UP Los Baños Biomathematics Team. 

Nasa ‘medium risk’ umano ang numero para sa mga lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng katamtaman na populasyon, at nagpapatupad ng physical distancing.

Una nang nagbigay ng prediksyon ang UP na aabot sa 40,000 ang kaso ng COVID sa pagtatapos ng Abril. 

Bagama’t umabot sa 37,500 ang kaso, hindi pa kasama dito ang backlogs ng Department of Health (DOH).

Bilang tugon ng DOH, sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas pinapalakas nila ngayon ang kampanya para magkaroon ng ‘behavioral change’ ang publiko o maging kaakibat na ng kanilang buhay ang ibayong kalinisan at pag-iingat na mahawa sa virus.

Ini-engganyo na rin ng DOH na magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng ‘selective lockdown’ sa mga lugar na may mala­king pagtaas ng kaso sa kanilang lokalidad.

Related video:

Show comments