Religious gatherings aprub na sa MGCQ
Pero 50% capacity lang…
MANILA, Philippines — Maaari nang magsagawa ng religious mass gatherings na hanggang 50% capacity sa mga lugar sa buong bansa na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Ang kumpirmasyon ay ginawa ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa televised press briefing sa Davao City kasunod sa pagpayag ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases alinsunod na inilabas ng Resolution No. 43 hinggil sa religious mass gatherings.
Pero agad ring nilinaw ni Roque na sa mga lugar na sakop ng modified general community quarantine (MGCQ) pa lamang maaaring magkaroon ng mass gathrerings para sa religious purposes na 50% ang capacity upang matiyak ang social distancing.
“Mabuting balita sa mga gusto nang magpunta sa simbahan. Kahapon po sa mga lugar na MGCQ pa lamang, pupuwede na pong magkaroon ng mass gatherings para sa religious purposes. Pero po hanggang 50% lamang ng sitting capacity,” ani Roque.
Ang MGCQ ay ang mas maluwag na uri ng quarantine kumpara sa general community quarantine (GCQ).
Nauna rito, inihayag ng IATF na lilimitahan sa 10 ang maaaring dumalo sa religious mass gatherings sa mga lugar na sakop ng GCQ samantalang lima naman sa modified enhanced community quarantine.
Halos lahat ng lugar sa bansa ay nasa MGCQ na maliban na lamang sa Metro Manila, Pangasinan, Cagayan Valley, Central Luzon, Central Visayas, Davao City, at Zamboanga City na nasa ilalim ng GCQ simula noong Hunyo 1.
- Latest