Lalaki nasa drug list itinumba habang nagluluto

MANILA, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 43-anyos na lalaki na nasa drug watchlist ng Manila Police District (MPD) nang pagbabarilin habang nagluluto sa loob ng kaniyang bahay sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Ang nasawi ay kinilalang si Ricardo Gapaz, Jr., tricycle driver, at nakatira sa No. 2069 Daang Bakal, Brgy. 155, Tondo na kabilang rin umano sa drug watchlist ng Barangay 155.

Sa ulat, alas-6:50 ng gabi habang nag­luluto ang biktima ng kanilang hapunan nang pumasok ang nag-iisang salarin at sunud-sunod siyang pinaputukan ng baril.

Hindi naman nakilala ng live-in partner ni Gapaz ang salarin na inila­rawan niyang nakasuot ng itim na jacket, ball cap at face mask.

Isinugod si Gapaz sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit patay na nang dumating sa naturang pagamutan dakong alas-7:30 ng gabi.

Show comments