Libreng sakay sa health workers itutuloy ng DOTr

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbibigay ng libreng sakay ng Department of Transportation (DOTr) sa mga ba-yaning health workers  na hindi lamang sa National Capital Region (NCR), kundi maging sa iba pang rehiyon sa bansa, kabilang ang Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, CAR at CARAGA.

Katuwang ng DOTr  ang mga attached agency nito sa pangunguna ng Land Transportation Office (LTO), Land Trans­portation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ilang oil companies tulad ng Phoenix Petroleum, CleanFuel, Petron at Seaoil Philippines, na nagbibigay ng fuel subsidy o ayuda sa mga transport companies na parte ng libreng sakay.

Sa record ng DOTr, umabot na sa 698,374 ang total ridership ng programa, kung saan 141,114 ang total ridership sa NCR-Greater Manila, habang 557,260 naman sa iba pang mga rehiyon.

Maaaring makita ang live location ng mga bus units habang binabaybay ang 20 ruta sa Greater Manila Area dahil sa mga naka-install na GPS location tracker devices sa mga bus. Malalaman ng mga frontliners kung may paparating na bus, at maging ang oras ng pagdating nito  na naging posible dahil sa koordinasyon ng kagawaran sa PLDT Enterprise, at Vectras Inc. Malalaman din ang live location ng mga vehicle units, maging ang 20 ruta ng libreng sakay sa Greater Manila, sa website, at mobile app ng Sakay.ph. 

Show comments