Bulacan, gagamitin ang staysafe.ph kontra COVID

MANILA, Philippines — Gagamitin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang staysafe.ph, isang interactive community driven emergency response website na ginawa ng kompanyang Multisys at inin­dorso ng ICT Industry Council of the Philippines sa pamumuno ng kanilang Chairman David Balamon, upang labanan ang Coronavirus Disease 2019.

Ang website ay inapru­bahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ng National Task Force (NTF) on COVID-19 noong Abril 8, 2020 sa pamamagitan ng memorandum of agreement na pinirmahan ng NTF COVID-19 kasama ang Department of Health, Department of the Interior and Local Government, at Department of National Defense.

Naniniwala si Gobernador Daniel Fernando na nagpapakita ang mga inisyatibo na ito kung paano makakatulong ang paggamit ng teknolohiya at data-driven analytics sa pamamahala at mapataas ang tsansa na matalo ang COVID-19. 

Mayroong mga kata­ngi­an ang website katulad ng pagpapatala, health conditioning reporting system, COVID-19 contact tracing, social distancing notification, company and LGU response system, COVID-19 case data entry and monitoring system, hospital and frontliners monito-ring system, SMS blaster AITF and NTF COVID-19, track and trace modules, centralized admin access and analytics, at COVID worldwide updates na lubos na makatutulong sa mga lokal na pamahalaan. 

Upang makapagrehistro, maaaring pumunta ang mga indibidwal sa staysafe.ph website, o sa pamamagitan ng kanilang mobile number, i-update ang kanilang profile, piliin ang kalagayan ng kanilang kalusugan at i-click ang save.  

Show comments