2 Grab driver arestado sa tangkang pagpuslit ng mga alak

MANILA, Philippines — Dalawang driver ng Grab Philippines ang inaresto nang masabat sa kanilang behikulo ang nasa 21 bote ng alak at 23 boteng beer sa quarantine checkpoint ng pulisya sa Binondo, Maynila kamakalawa ng hapon.

Ang mga inaresto ay kinilalang sina Michael Duhaylunsod, 41, ng No. 138 Rizal Avenue, Barangay 120 Grace Park, Caloocan City at John Leonard Argate, 36, ng No. 1725 Dian Street, Palanan, Makati City.

Sa ulat ng Manila Police District, alas-5 ng hapon nang parahin nila sa checkpoint sa kanto ng Juan Luna at Meisic Street ang isang puting Toyota Innova na may markang “Do Not Delay” at “Flexo Manufacturing Shuttle Service” sa windshield at lulan ang dalawang suspek.

Nang isailalim sa plainview inspection ang behikulo, nakita na nakalantad sa loob ng behikulo ang mga bote ng alak at wala ring maipakita na quarantine pass o rapid pass ang mga suspek dahilan para sila arestuhin.

Ang dalawang suspek na nakakulong sa MPD Station 11 Jail ay kinasuhan ng paglabag sa Executive Order No. 18 (Liquor Ban), R.A. 11469 o ang “Bayanihan to Heal As One Act”, at R.A. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Health Events of Public Health Concern Act”. 

Show comments