Bulacan Medical Center tumanggap ng PPEs mula sa Bulacan PPO

MANILA, Philippines — Tumanggap ang Bulacan Medical Center (BMC) ng 22 kumpletong set ng personal protective equipment (PPE) mula sa Bulacan Provincial Police Office bilang bahagi ng sabayang gawain ng Philippine National Police (PNP) na tinawag na “Show Support and Compassion to Health Workers in the Fight Against COVID-19” kahapon ng hapon sa Malolos City.

Nagbigay rin ang Bulacan PPO ng iba pang kailangang suplay laban sa COVID-19 gaya ng libu-libong hand gloves, face shields at face masks gayundin ng dalawang aerosol boxes.

Pinangunahan ni Acting Bulacan Provincial Director Lawrence Cajipe ang pulisya sa Bulacan sa maikling programa at pagkakaloob ng PPEs sa BMC na isinagawa sa harap ng nasabing ospital.

Nagpasalamat din si Dr. Rawland M. Domingo, direktor ng BMC, sa naturang donasyon na napakalaking tulong para sa kaligtasan at seguridad ng mga frontliner habang sila ay nagsisilbi sa mamamayan.

Samantala, nagbigay si Bulacan Gob. Daniel Fernando ng pagkain sa mga frontliner sa pamamagitan ni PD Cajipe at pinasalamatan ang Bulacan Police sa pagtulong sa ospital sa paglaban sa COVID-19.

Base sa tala ng Bulacan PHO COVID-19 Surveillance, as of Abril 3, 2020 ng alas-4:00 ng hapon, may 36 kumpirmadong kaso ng COVID-19, 12 ang namatay, 114 ang cleared PUI at 386 active PUI habang may 2,883 cleared PUM at 1,925 active PUM.

Show comments