Lasenggerong mister nalason sa lambanog

MANILA, Philippines — Idineklarang dead- on-arrival sa ospital ang isang 50-anyos nang ito umano ay nalason sa ininom na tatlong litro ng lambanog sa Brgy. Antipolo, Pagbilao, Quezon.

Ang nasawi ay kinila­lang si Alvin Luna, na binawian ng buhay dakong alas-12:45 ng hapon nitong Pebrero 9, 2020 matapos itong isugod sa Tayabas Community Hospital sa Tayabas, Quezon.

Sa ulat ng pulisya, na ang tatlong litrong lambanog ay sinimulang inumin ni Luna simula noong Pebrero  6 dakong alas-4:30 ng hapon hanggang alas-8:30 ng gabi na sinamahan pa ng isa pang kilalang alak kainuman ang kaniyang ilang mga kaibigan.

Nitong Pebrero 7 ay muling ininom ng biktima ang isa pang litro ng lambanog kasama ang pinsan nitong si Ariel “Duro” Luna.

Ang natira pang 1 ½ litro ng lambanog ay inubos mag-isa ng biktima nitong Pebrero 8 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga.

Gayunman, nitong Pebrero 9 ng umaga ay nakaramdam siya ng pamamanhid ng kaniyang likuran, panlalabo ng paningin, hirap humi­nga at magsalita.

Kaya’t agad na isinugod ng kaniyang misis na si Mely Luna sa Tayabas Community Hospital Inc. pero idineklara na itong dead-on-arrival bandang alas -12:45. 

Sa resulta ng pagsusuri ng doktor ay lumitaw na methanol toxicity o pagkalason sa lambanog ang ikinasawi ng nasabing mister.

Show comments