7 tinamaan ng polio sa Maguindanao

Ayon kay Samama, naitala ang mga kaso ng polio sa mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Rajah Buayan, Datu Piang, Datu Hoffer, Datu Odin Sinsuat, Datu Abdullah Sangki at Datu Anggal Midtimbang.
AFP/File

MANILA, Philippines — Pitong katao na ang naitalang tinamaan ng sakit na polio sa Maguindanao.

Ito ay matapos kumpirmahin ni OIC Provincial Health Officer II Dr. Elizabeth Samama ng IPHO-Maguindanao.

Ayon kay Samama, naitala ang mga kaso ng polio sa mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Rajah Buayan, Datu Piang, Datu Hoffer, Datu Odin Sinsuat, Datu Abdullah Sangki at Datu Anggal Midtimbang.

Aniya, pawang mga batang edad 8 buwan hanggang 4-anyos ang tinamaan ng naturang sakit.

Sa ngayon, sinabi ni Dra. Samama na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa mga tinamaan ng polio virus at tutulong umano sila para sa rehabilitasyon ng mga ito.

Kaugnay nito, pinaghahandaan na ngayon ng Department of Health o DOH ang ikalawang yugto ng polio vaccination sa mga kabataang may edad 0 hanggang 5 limang taong gulang sa buong region 12.

Sa panayam kay DOH Regional Immunization Program Coordinator Dr. Edvir Jane Montaner, inihayag nito na magsisimula ang round 2 ng sabayang patak kontra polio sa January 20 at tatagal hanggang sa February 2, 2020.

Dahil dito, nanawagan si Montaner sa mga magulang ng mga batang nabakunahan sa unang round ng polio vaccination na pabakunahang muli ang kanilang mga anak.

Show comments