3 stude timbog sa ‘tsongke’

MANILA, Philippines — Sa selda ang bagsak ng tatlong kabataang lalaki matapos masakote ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation dahil sa pagbebenta ng bultu-bultong marijuana sa mga lungsod ng Taguig at Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Taguig City Police, kinilala ang mga naaresto na pawang mga estudyante na sina Lance Gabriel Visco, 20; Jessie Jay Pullente, 19, at France Junnifer Monta, 19.

Nabatid na alas-8:00 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police sa may Sampaloc St. sa Brgy. Central Signal. Tuluyang nalambat ang tatlong estudyante nang maisakatuparan ang pagbenta nila ng marijuana sa poseur buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong ziplock plastic sachet na may lamang 100 gramo ng marijuana at nagkakahalaga ng P12,000. Nakumpiska rin ng mga pulis ang isang Hyundai Getz na kotse na gamit nila sa iligal na negosyo.

Alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang maaresto naman ng Northern Police District- Drug Enforcement Unit ang 20-anyos na si Jayson Samson sa isa pang buy-bust operation sa kanto ng Masagana Street at Samson Road sa Brgy. 73 sa Caloocan City.

Nasa 500 gramo ng marijuana na nagkakahalga ng P60,000 ang narekober sa suspek.

Show comments