Drug bust: 2 pusher todas
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na drug pushers habang apat pa ang nasakote nang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa naganap na magkakahiwalay na drug bust operation sa Tawi-Tawi at Maguindanao, kamakalawa.
Kinilala ang dalawang napatay na suspek na sina Odin Masihul, gumagamit ng mga alyas Bedi/Ombak, ng Brgy. Dungon, Panglima, Tawi-Tawi at isang alyas Dats ng Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Sa ulat, nagsagawa ng buy bust operation ang Marine Battalion Landing Team (MBLT) 6, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Tawi-Tawi at Sapa-Sapa Municipal Police Station sa karagatan ng Brgy. Baldatal Islam at dito ay nanlaban si Masihul kaya’t napatay.
Sa anti-drug operation naman sa Brgy. Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kamakalawa ng hapon ay napatay din ang drug pusher na si alyas Dats ng tropa ng 9th Infantry Battalion katuwang ang PDEA Bangsamoro.
Nabuwag din ng mga operatiba ang notoryus na drug den sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na drug personalities na sina Abdulnajar Asanol Isarail, Mujahid Misuari Jalas, Rhadzkhomar Pawari Lakibul at Jack Binlo Magsaysay.
- Latest