Forest Ranger pinatay ng illegal loggers

MANILA, Philippines — Isang Forest Ranger ang nasawi matapos itong kuyugin at pagtatagain ng mga sinitang illegal loggers na naaktuhan nitong nagpuputol ng mga punong kahoy sa kagubatan ng Sitio Kinagawan, Brgy. Pasadeña, El Nido, Palawan, kamakalawa.

Ang nasawi ay kinila­lang si Bienvinido Severnio Veguilla Jr, alyas Toto, 44, Forest Ranger sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at residente ng Brgy. Bagong Bayan, El Nido ng lalawigan.

Sa ulat ni Police Lt. Col. Socrates Faltado, spokesman ng Police Regional Office (PRO) IVA, bago nangyari ang krimen dakong alas-5:00 ng hapon ay nagsasagawa ng pagpapatrulya sa kagubatan ang DENR Law Enforcement Team 4 matapos na makatanggap ng report hinggil sa illegal na pagtro-troso sa nasabing lugar na itinutu­ring na ‘protected areas’.

Nang magresponde sa lugar ay naaktuhan ng mga Forest Rangers ang mga illegal loggers na sina Cardo Fulgencio alyas Carding; Glen Fulgencio at Fernan Flores kasama ang tatlong iba pa na illegal na nagpuputol ng punongkahoy na agad tumakas.

Habang pabalik na ang Forest Ranger Team sa kanilang opisina bitbit ang nakumpiskang chain saw para sa kaukulang dokumentasyon ay hinarang sila ng mga suspek na armado ng shotgun at itak.

Nakorner ang biktima na may ilang distansya ang layo sa kaniyang mga kasamahan at pinaggugulpi ito at pinagtataga at bago namatay ay nabaril nito si Flores.

Naaresto ng mga rumes­pondeng pulis si Flores habang tinutugis ang mga kasamahan nito.

Show comments