Trike driver tepok sa salpok ng bus

MANILA, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang lola nitong pasahero matapos silang salpukin ng isang pampasaherong bus sa isang interseksyon sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.

Ang nasawi ay si Dante Ignacio, nasa hustong gulang, may-asawa at nakatira sa 11th Avenue, A. Bonifacio, Balintawak, Quezon City habang ang kanyang pasahero ay nakilalang si Floredelisa Bintad, 64-anyos, nakatira naman sa Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Tumakas naman ang suspek na si Jonathan Boque, tsuper ng Daewoo Bus na nakarehistro sa Raven Bus Transport.

Sa ulat, naganap ang banggaan sa may kanto ng 10th Ave. at B. Serrano St. sa Brgy. 91, sa nabanggit na lungsod.  Nabatid na binabagtas ng tricycle ang 10th Ave. patungo sa direksyon ng Rizal Ave. Extension habang dumadaan naman sa B. Serrano Ave. patungo sa EDSA ang bus.

Nang dumating sa interseksyon, wala sinuman sa dalawang sasakyan ang nag-menor dahilan para magsalpukan ang bus at tricycle. Dito nakaladkad ang tricycle ng ilang metro at naipit sa pagitan ng bus ang tsuper na si Ignacio habang agad namang nailabas sa tricycle ang pasaherong si Bintad.

Kapwa isinugod ang dalawa sa Manila Central University Hospital ngunit nalagutan ng buhay si Ignacio habang nasa ligtas nang kundisyon si Bintad.

Show comments