MANILA, Philippines — Mahigit 200 kilo ng karne ng baboy at manok ang nasabat ng Veterinary Inspection Board (VIB) ng Maynila, kahapon ng madaling araw sa Ilaya, Recto.
Ayon kay Nick Santos, hepe ng VIB, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang makumpiska nila ang mga botchang baboy na nasa 117.38 kilo at manok na nasa 149.3 kilo nakatago sa ilalim ng mesa.
Walang certificate mula sa meat inspectors ang mga nakuhang botcha na hindi na rin maaaring ipakain sa mga hayop dahil puro na ito amag.
Napatakip ng ilong si Mayor Isko Moreno nang buklatin ang mga karne dahil sa masangsang na amoy nito.
Ayon sa kaniya, pangalawa na ito sa mga nakumpiska nilang botchang karne ngayong buwan.
Kasama ring nakumpiska ang mga tila foil na kulay pula na gamit daw para mag mukhang sariwa ang karne pag ibinebenta sa palengke.
Malaki man ang pagkakaiba sa presyo nito sa mga sariwang baboy, masama ito para sa kalusugan. Galing umano ito sa mga cold storage ng karne na nakakalusot sa inspeksyon at madalas binibili ng mga karinderya.
Presyo ng sariwang baboy:P180-185
Presyo ng botchang baboy: P115.