4 timbog sa pot session

MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng tatlong binata at isang dalaga matapos maaktuhan ng mga otoridad na bumabatak ng shabu sa bahay ng isa sa mga suspek makaraang respondehan ang tawag ng isang concerned citizen sa Purok Kaunlaran, Brgy.  Poblacion East sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, hatinggabi ng Biyernes.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa section 11, 12 at 15 ng Art 2 of RA 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga dinakip na suspek na sina Allan Guevarra, 19; Rona Gonzales, 31; pawang residente ng nasabing barangay; Michael Lester Barayuga, 27, ng Brgy. Bacal 1, Talavera; at Jon Ocampo, 25, ng Brgy. Bantug, Muñoz Science City.

Sa ulat ng pulisya, nirespondehan ng mga tauhan ng Muñoz City Police ang tawag ng isang concerned citizen sa lugar hinggil sa nagaganap na pot session sa bahay ni Gonzales bago maghatinggabi.

Agad na sinalakay ng mga pulis ang bahay ni Gonzales kung saan tumambad sa kanila ang grupo ng apat na suspek na nasa kainitan ng pagbatak ng shabu.

Agad na inaresto ng pulisya ang mga suspek at kinumpiska sa kanila ang isang piraso ng plastic sachet ng shabu, gamit nang aluminum foils, isang pirasong lighter at isang improvised tooter.

Show comments