Ex-spokesman ng Bayan Muna, itinumba
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang lalaki na umano ay dating tagapagsalita ng Bayan Muna-Camarines Sur Chapter matapos na ito ay pagbabarilin habang lulan ng kanyang motorsiklo sa highway ng Zone 4, Brgy. San Isidro, Naga City, Camarines Sur.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Neptali Ramos Morada, 40, residente ng Zone 2, Brgy. Carolina ng nasabing lungsod.
Hindi pa kilala ang gunman na sakay ng isang puting pick-up truck na agad tumakas nang masigurong napatay ang biktima.
Sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo patungo sa Brgy. Cararayan at binabagtas ang nasabing highway nang tabihan ng nasabing sasakyan na kung saan ay pinagbabaril ang biktima.
Agad tumakas ang suspek makaraang masigurong patay na ang biktima.
Anim na basyo ng M16 rifle ang nakuha ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen.
Nabatid na dating tagapagsalita ng Bayan Muna si Morada sa Camarines Sur mula taong 2000, ayon sa coordinator ng grupo na si Nelsy Rodriguez.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.
- Latest