5 gunrunner tiklo sa shabu

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang limang katao kabilang ang isang menor-de-edad na umano ay mi­yembro ng isang gunrunning at drug syndicate sa isang entrapment ­operation, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Emmanuel Magos alyas “Tawe”, 27, ng Blk 31 Lot 4 Phase 2 Area 2 Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS; Reymar Velasco alyas “Tano”, 26, security guard ng Anthorium St. Brgy. NBBS; John Cedrick Largo, 18; Regie Cuevas, 18 ng Brgy. NBBS at ang 17-anyos na lalaki.

Nabatid na sina Magos at Velasco ay kapwa miyembro ng “Bandamme Armed Group” na sangkot sa drug peddling at gun for hire syndicates na nag-ooperate sa Camanava area.

Sa ulat, alas-2:00 ng hapon nang ikasa ng pinagsamang mga operatiba ng NPD-DSOU at ng Navotas Police ang buy-bust operation para makabili ng baril sa mga suspek sa may Anthorium St. Brgy.NBBS matapos ang higit isang linggong surveillance operation.

Nang iabot ng mga suspek sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer ang isang kalibre .9mm revolver kapalit ng P6000 marked money, nagbigay ng siya ng sen­yales sa mga kasamahan at naaresto ang mga suspek.

Bukod sa baril ay nakumpiska sa mga suspek ang pitong plastic sachet na naglalaman ng 54 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P200,000.

Show comments