MANILA, Philippines — Isang pulis na umano ay drug pusher ang dinakip ng kanyang mga kabaro isang drug buy bust operation kamaka-lawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Ferdinand Rafael, 52, nakatalaga sa Manila Police District Administrative Unit.
Batay sa ulat, bago sinalakay ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit at MPD-Station 4 dakong alas-11:00 ng gabi ang isang apartment na matatagpuan sa 356 Calabasita St., Sampaloc, Maynila ay nagbenta ang suspek sa isang poseur buyer ng P1,000 halaga ng shabu.
Nakarating sa mga otoridad ang isang impormasyon na ang suspek ay malimit magpunta sa apartment para magbenta ng shabu. Nakunan din ng video si Patrolman Rafael na gumagamit ng shabu kasama ang dalawang lalaki.
Nasamsam sa bahay ni Patrolman Rafael ang nasa 15 gramo ng umano’y shabu na may halagang P102,000.
Nabatid na AWOL si Patrolman Rafael noong 1995 at nakabalik sa serbisyo noong 2002.
Nanggagalaiti sa galit si NCRPO Director chief P/Major General Guillermo Eleazar nang iharap sa kanya si Patrolman dahil hindi nito masabi kung sino ang kanyang superior.