Barangay kagawad sa Malabon, itinumba

MANILA, Philippines — Isang barangay kagawad na kilalang political leader ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta ang pinagbabaril ng dalawang hindi pa kilalang lalaki kahapon ng umaga sa Purok 6, Brgy. Dulong Hernandez ng nasabing lungsod.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Rodrigo Tambo, alyas “Tacio”, 40, kagawad sa Brgy. Catmon.

Sa ulat, dakong alas-6:32 ng umaga ay kausap ni Tambo si Lawrence Margalio, 41, nang duma­ting ang dalawang salarin at agad na sila ay pinagbabaril na kung saan ay tinamaan si Tambo.

Inilarawan ni Margalio ang dalawang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril na nakasuot ng itim at puting t-shirt, short pants, tsinelas, kapwa nasa pagitan ng edad 30-35 anyos, at mga payat.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo nang pamamaslang at hindi inaalis ang motibong political dahil sa pagiging number 1 Kagawad sa Brgy. Catmon at kilalang malapit kay Mayor Oreta.

Show comments