2 miyembro ng ‘Estribo Gang,’ nautas

Sinisiyasat ng mga pulis ang bangkay ng 2 pinaghihinalaang holdaper na napatay nang makipagbarilan umano sa mga otoridad sa kahabaan ng Aurora Blvd., Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Napatay ng mga pulis ang dalawang lalaki na sinasabing miyembro ng ‘Estribo Gang’ nang manlaban sa  mga pulis na sisita sana sa kanila sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Isa sa napatay na suspek ay inilarawan na nasa edad 50, may taas na 5’4”, katamtaman ang laki ng katawan, maputi, nakasuot ng itim na t-shirt, itim na pantalon, nakapulang helmet habang ang ikalawa ay nasa kanyang early 40’s, may taas na 5’7,” payat, maputi, at nakasuot ng abuhing t-shirt at shorts at tsinelas.

Bago nangyari ang shootout dakong ala-1:05 ng madaling araw sa Aurora Boulevard ay nakatanggap ang Quezon City-Criminal Investigation and Detection Group (QC-CIDG) ng sumbong mula sa isang concerned citizen, hinggil sa presensiya ng apat na armadong lalaki sa Aurora Boulevard, na tila nagha­hanap ng mabibiktima.

Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng QC-CIDG nang mapuna ng mga suspek ang kanilang presensiya ay kaagad nang nagbunot ng baril ang mga ito at nagpaputok sa mga operatiba. Gumanti ng putok ang mga otoridad at napatay ang dalawang suspek, ngunit nakatakas ang dalawa pa nilang kasamahan sakay ng isang hindi naplakahang motorsiklo. Nasamsam sa dalawang napatay ang dalawang caliber .38 Smith and Wesson revolvers na may mga bala at tatlong pakete ng shabu.

Show comments