Trillanes tumakbo sa SC

Bilang pagpapakita ng kanilang suporta, nagsagawa ng isang rally kahapon sa Supreme Court ang mga supporters ni Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay ng pagbawi ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ng senador.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Tumakbo si Sen. Antonio Trillanes sa Supreme Court at hiniling nito ang pagpigil sa proklamasyon na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nagpapawalang-bisa sa amnestiya na ipinagkaloob sa kanya ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Hiniling ni Trillanes sa SC sa pamamagitan ng kanyang abogado na magpalabas ng writ of preliminary injunction o temporary restraining order (TRO) para hadlangan ang implementasyon ng Presidential Proclamation No. 572, na nag-aatas din para sa pag-aresto ng senador.

Iginiit ni Trillanes na walang basehan ang proklamasyon ng Pangulo at iginiit na nakasunod siya sa lahat ng rekisitos kaya pinagkalooban ng amnestiya ng pamahalaan.

Matatandaan na noong Agosto 31 ay nilagdaan ng Pangulo ang naturang proklamasyon na nagdedeklara sa amnestiya ni Trillanes bilang “void ab initio,” o walang saysay simula pa lamang.

Sa kawalan ng kopya ng kinakailangang amnesty application ni Trillanes at kabiguan umanong aminin ang kanyang kasalanan na may kinalaman sa 2003 Oakwood Mutiny, 2006 Marines stand-off, at 2007 Manila Peninsula Siege.

Ipinadala na lamang ni Trillanes ang kanyang petisyon sa abogado dahil kinakailangan nitong manatili sa Senado, at magpa-kustodiya sa Se­nate president upang hindi maaresto ng mga nag-aabang na tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Samantala, inilabas kahapon ni Trillanes ang mga dokumento mula sa Department of National Defense na magpapatunay na nag-aplay siya para sa amnesty at inamin ang kanyang mga nagawang kasalanan sa gobyerno.

Kabilang sa dokumento ang DND Ad Hoc Amnesty Committee na may petsang Enero 5, 2011 kung saan pang-walo ang pangalan ni Trillanes sa 19 na opisyal na nag-aaplay para mabigyan ng amnestiya.

Bukod sa 19 na opisyal, kasama rin sa listahan ang 20 pang enlisted personnel na nakasama rin nina Trillanes sa 2003 Oakwood Mutiny at Marines Standoff sa Manila Peninsula Hotel Siege.

Ang nasabing dokumento ay may lagda ni Colonel Josera Berbigal at naka-address para sa chairman ng DND, Ad Hoc Amnesty Committee na may tanggapan sa Camp Aguinaldo.

Ipinakita rin ni Trillanes ang sulat ni dating DND Secretary Voltaire Gazmin kay dating Pa­ngulong Benigno Aquino III na may petsang Enero 25, 2018 na nagsasabing ang mga nasa listahan ay ku­walipikadong mapagkalooban ng amnestiya.

Show comments