Philippine Army cadet nalunod sa training

Nagsasanay sa pagka-sundalo sa Camp Capinpin ngunit minalas na malunod ang biktimang kinilalang si Kheyen Roy Yson Penales, 26-anyos, binata, tubong Kidapawan.
File

MANILA, Philippines — Hindi na maipapagpatuloy pa ng isang kadete ng Philippine Army (PA) ang kanyang pangarap na makapaglingkod sa ba­yan bilang isang sundalo matapos malunod habang sumasailalim sa practical exercises sa combat swimming sa Daraitan River sa Tanay, Rizal kamakalawa ng umaga.

Nagsasanay sa pagka-sundalo sa Camp Capinpin ngunit minalas na malunod ang biktimang kinilalang si Kheyen Roy Yson Penales, 26-anyos, binata, tubong Kidapawan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Joe Sevillena, ng Tanay Municipal Police Station, dakong 11:00 ng umaga kamakalawa ay sumasailalim sa practical exercises sa combat swimming sa Daraitan River, Barangay Daraitan, Tanay, si Penales, bilang bahagi ng kanilang pagsasanay sa pagiging ganap na sundalo, nang mapansin ng kanyang mga superior na tila nalulunod ito.

Kaagad namang rumes­ponde ang mga rescuer at iniahon ang biktima upang malapatan ng paunang lunas bago isinugod sa ospital sa loob ng Camp Capinpin.

Gayunman, idineklara na rin itong dead-on-arrival ng attending physician dahil sa secondary drowning.

Gayunman, nagsasagawa pa rin ang imbestigayon ang pulisya para mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.

Show comments