Guro, 3 pa huli sa P 6.8- milyong shabu

MANILA, Philippines — Arestado ang isang public school teacher at tatlong iba pa na sinasabing mga drug trafficker matapos silang makum­piskahan ng tumataginting na P6.8-milyong halaga ng shabu sa ikinasang drug-bust operation sa isang gasolinahan sa Brgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao nitong Biyernes ng hapon.

Swak sa kulungan ang mga nasakoteng suspek na sina Salama Diwa, guro sa Datu Unsay Ele­mentary School at mga kasamahan nito na sina Saiden Adil Yusa alyas “Erin”, Mahmod Dimudtang at Naser Pasawilan,  mga residente ng Brgy. Paguitin, Datu Salibo ng lalawigang ito.

Ayon kay Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) Director P/Chief Supt. Graciano Mijares, dakong alas-5:00 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa naturang lugar.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu at nang maisagawa ang transaksiyon ay kaagad nilang dinakip ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang may 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.00,  950 gramo ng shabu na tinatayang may P6.4 mil­yon ang halaga, P1,000 bill na buy-bust money at 119 piraso na boodle money. Nakumpiska rin mula sa mga ito ang isang unit ng kulay pu­ting Toyota Hi-Ace van at isang kulay abong Toyota Camry, sari-saring mga identification cards at mga dokumento sa bangko.

Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na suspek.

Show comments