Pag-recruit ng Maute sa Marawi patuloy - AFP

MANILA, Philippines — Patuloy umano ang pagre-recruit ng mga natitirang Maute terror group sa mga sibilyan sa buong Marawi City at nagbabanta ng panibagong panggugulo sa ibang bahagi ng Mindanao.

Ayon kay Armed Forces Spokesperson Col. Edgard Arevalo na namonitor ng militar ang  recruitment activities sa isang lugar sa Marawi City, ang lungsod na kinaganapan ng kaguluhan na tumagal ng halos 5 buwan na ikinasawi ng mahigit libong terorista.

“Dito natin nakikita ‘yung nagi-i-intensify pa rin sila in the sense na hindi sila humihinto sa kanilang ginagawang recruitment at patuloy na pagkumbinsi na sumali sa kanilang hanay. And of course may mga offer pa rin sila ng financial remunerations kagaya nito,” pahayag ni  Arevalo sa isang press briefing sa Malacañang.

“Ang monitoring natin nito ay base doon sa mga nire-report din sa atin ng mga citizen in this locality. So, definitely hindi naman openly nila ginagawa ang kanilang pagre-recruit,” wika pa nito.

Ayon pa kay Arevalo na ang mga kamag-anak at kabataan ang target ng mga terorista  na pawang lantad sa extremist ideologies ng mga ito.

Partikular na minomonitor ang 22 miyembro ng Turaifie Group, na pinamumunuan ng isang “Abu Turaifie”, na umano ay successor ng napatay na  Abu Sayyaf leader at IS Southeast Asia “emir” na si Isnilon Hapilon.

Show comments