Ginang tiklo sa entrapment

Si Catherine Cipriano na dinakip ng mga otoridad makaraang ikasa ang isang entrapment operation ng mga tauhan ng MPD station 4 kaugnay ng reklamo ng isang negosyante sa ibinebentang condominium building na umano’y kanyang pag-aari.Kuha ni Ludy Bermudo

MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng isang ginang at ang kasapakat nito na pinaniniwalaang miyembro ng isang sindikato na nag-aalok at nagbebenta ng mga condominium at iba pang property sa na umano’y kanilang pag-aari, matapos ikasa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 4 ang isang entrapment ope­ration laban sa dalawa, sa Sampaloc, Maynila, nitong nakalipas na Miyerkules.

Kinilala ang mga naarestong sina Ca­therine Cipriano y Datur, 46, residente ng No.3303 Zapote St., Sampaloc, Maynila at ang kasabwat nito na si Antonio Soriano y Alabado, 46, residente ng  Blk 5, Lt 14,  Villa Tanza Subdivision, Biga, Tanza, Cavite.

Sa imbestigasyon ni PO1 Danilo Kabigting, ng Station Investigation and Detective Management Branch, ikinasa ang entrapment operation laban kay Cipriano nitong Disyembre 6, 2017 sa Gilids Restaurant na matatagpuan sa P. Campa St., Sampaloc, bunsod ng idinulog na reklamo ng isang negos­yante na nagpatago sa pangalang “Mon” na umano’y ibinibenta sa kanya ang condominium building na kaniyang inookupahan sa Tolentino St., Sampaloc.

Nag-text sa kanya sa pamamagitan ng cellphone si Cipriano at nagpakilala na siya ang may-ari ng building at kailangan niya ng ma­laking halaga. Inalok umano sa kanya ang titulo at iba pang dokumento sa halagang P1.6 milyon.

Ngunit nang magtanong sa building administrator si Mon ay  nadiskubre nito na hindi si Cipriano ang may-ari ng condominium buil­ding.

Napag-alaman din ni Mon na ang kanyang kasosyo sa negos­yo ay nabiktima rin pala umano ni Cipriano sa parehong modus at natangayan ito ng P.5 mil­yon partial payment sa ibenentang condo building.

Nabatid din na bukod sa reklamo ni Mon, ay may nakabinbing warrant of arrest laban kay Cipriano sa kasong Estafa.

Kinumpiska rin mula kay Cipriano ang sasak­yan niya, mga dokumento at titulo umano ng condomi­nium na pinaniniwalaang mga peke, bank checkbooks at ATM card na gagamiting ebidensiya laban sa suspek.

Show comments