ICC binalaan na ‘wag magpagamit sa ‘political agenda’

MANILA, Philippines — “Huwag magpapa­gamit at maniniwala sa paninira ng mga ‘destabilizers’ na nagnanais lamang pabagsakin ang gobyerno”.

Ito ang panawagan ni Presidential Spokesman Harry Roque sa United Nations-International Cri­minal Court (ICC).

Sa pagdalo kahapon ni Sec. Roque na presidential adviser on human rights sa 16th Assembly of Parties to the Rome Statute of the ICC na ginanap sa UN headquarters sa New York, may mga grupo ng destabilizers sa Pilipinas na ang adhikain lamang ay pabagsakin ang gobyernong Duterte kaya winawasak ang imahe nito sa international community.

Wika pa ni Roque sa pinadalang statement sa Malacañang reporters kahapon, dapat ay ‘last resort’ na ang ICC intervention dahil ginagawa naman ng gobyerno ng Pilipinas ang trabaho nito lalo na ang paglaban ng terorismo at illegal drug trade.

Aniya, dapat lamang pumasok ang ICC kung mapapatunayan nilang walang ginagawa ang gobyerno ng Pilipinas para lutasin ang naturang mga problema.

Anya, kung may mga grupong magsusumbong o lalapit sa ICC ay marapat lamang na huwag itong basta paniwalaan dahil posibleng mga grupo ito o individual na ang layunin lamang ay pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno sa Pilipinas.

Show comments