4 terror group banta pa rin

MANILA, Philippines — “Halos pulbos na sila pero hindi tayo makasisiguro.”

Ito ang inihayag sa Mindanao Hour briefing sa Malacañang kahapon ni AFP spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla na kahit napatay na ang tatlong lider ng terorista na sina Isnilon Hapilon, Oscar Maute at Malaysian na si Dr. Mahmoud Amad.

Anya, nananatiling banta pa din sa seguridad ng Mindanao ang apat na terrorist groups na Ansarul Khilafah Philippines (AKP), Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf Group at Maute group dahil mayroon pa din itong natitirang mga miyembro na may kakayanang maghasik ng terorismo sa ilang lugar sa Mindanao.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Ernest Abella, hindi otomatik na puwede nang alisin ang martial law sa Mindanao matapos masawi sina Hapilon, Maute at Dr. Mahmoud sa Marawi City.

Iginiit naman ni Pa­ngulong Duterte kamakalawa ng gabi na hindi pa niya aalisin ang pag-iral ng martial law hanggang may natitirang terorista sa Mindanao.

Show comments