Taguiwalo inayawan ng CA

Itinaas ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo ang kanyang tikom na kamao sa isang press conference matapos na ibasura ng Commission of Appointments bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development kahapon. Geremy Pintolo

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang oras na deliberasyon ay ibinasura ng Commission on Appointment (CA) ang kumpirmasyon ni Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Binasa ni Davao Oriental Rep. Joel Almario, tumatayong chairman ng committee on labor, employment and social welfare, ang desisyon ng komisyon na nagsabing hindi madali sa kanila ang naging “hatol” para kay Taguiwalo.

Sa naganap na botohan ng mga miyembro ng komisyon na pinamumunuan ni Senate President/CA Chairman ­Aquilino “Koko” Pimentel III, sinabi ni Almario na nakakuha ng 13 boto mula sa mga miyembro ng CA upang i-reject ang appointment ni Taguiwalo.

Nauna rito, inindorso pa ni Senador Ralph Recto si Taguiwalo upang makumpirma ng CA committee.

“I am seconding her confirmation because she brings a fresh perspective in the DSWD-and that is to treat not poverty’s symptoms but its roots, for the poor need more than relief, but a release from the social shackles that prevent them from bettering their lives. It is, therefore, my pleasure to endorse the confirmation of the appointment of Doctor, Professor Judy M. Taguiwalo, or Ka Judy, as Secretary of Social Welfare and Development,” ani Recto.

Iginiit ni Recto na nasa puwesto si Taguiwalo sa DSWD hindi para ma­ging kinatawan ng rainbow cabinet ni Duterte kundi para pagsilbihan ang lahat ng mga nangangailangan.

Si Taguiwalo ang ikatlong miyembro ng Gabinete ni Duterte na na-reject ang appointment ng CA.

Nauna nang naibasura ang appointment nina da­ting Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. at sumunod si Regina “Gina” Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Magugunita na dalawang beses na by-passed ng CA si Taguiwalo at sa ikatlong pagsalang sa komite ng CA ay tuluyan na siyang ni-reject.

Matapos ang pagbasura ng CA ay inaasa­hang babakantehin agad ni Taguiwalo ang kanyang tanggapan sa DSWD.

Ilan sa unang mga lumutang na dahilan ng pagbasura sa apppointment ni Taguiwalo na isang matagal nang aktibista at propesor ay ang pagkakasangkot nito sa makakaliwang grupo o sa Communist Party of the Philippines.

Show comments