Kawani nalunod sa imburnal

MANILA, Philippines - Isang 30-anyos na contractual project employee ng Maynilad ang nasawi matapos itong malunod habang  nasa loob ng 3 metrong lalim na imburnal  na tinatanggalan nito ng mga nakabarang basura kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Nakasuot pa ng di­ving apparatus nang iahon ang biktimang si Jobani Luzon,residente ng no. 1227 Block 12, Gumaoc West, San Jose del Monte, Bulacan.

Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling araw kamakalawa nang lumusong ang biktima sa imburnal at bandang ala-1:10 ng madaling araw nang mataranta ang mga kasamahan dahil hindi na ito lumulutang at sa halip ay basurang nakasako ang kanilang nahila palabas ng imburnal sa panulukan ng CM Recto Avenue at Antonio Rivera St.

Nang lumusong umano ang biktima ay nakatali pa ang katawan nito bukod sa diving apparatus, subalit natagalan itong lumutang kaya hinila na ang lubid na paraan para sa komunikasyon.

Nagulat ang mga kasamahan nang makita na sako ng basura ang nasa dulo ng lubid at hindi na nakita ang biktima.

Ginamitan ng apat na vacuum trucks para lamang maiahon ang nakalubog na biktima at dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center, subalit idineklarang dead-on-arrival bunga ng pagkalunod.

Isinailalim sa interogasyon ang mga kasamahan at dito ipinagpalagay na may inabot na basura ang biktima na malayo sa kaniya kaya’t inalis ang tali sa kanyang katawan at itinali pansamantala sa sako ng basura ngunit minalas namang malunod.

Nabatid na naging matindi ang pag-ulan dala ng hanging Habagat na pinatindi ng bagyong Gorio kaya nililinis ng Maynilad ang mga baradong imburnal na kanilang hinuhukay para maiwasan ang pagbaha.

Show comments