Drug suspek na sumuko sa tokhang, itinumba

MANILA, Philippines - Pinagbabaril ng 10 la­laking maskarado ang isang drug suspect, na sumuko na sa Oplan Tokhang ngunit hindi umano tumigil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, kamakalawa ng gabi sa tapat ng kanyang bahay sa Barangay West Crame, San Juan City.

Ang nasawi noon din dahil sa mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Angelo Mark Rapista, 24, ng 8-G Road 6, 1st West Crame Street ng nasabing barangay.

Nasugatan naman sa mga tama ng bala sa kanang bahagi ng balakang ang isang sales lady,  na nakilala lang sa alyas na ‘Ainah,’ 21.

Sa ulat, dakong alas-8:15 ng gabi ay nakaupo sa harap ng kanyang bahay ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek na tumakas lulan ng mga motorsiklo.

Samantala, dalawang lalaki na umano ay ‘siga-siga’ at kabilang sa drug watch list ang pinasok at pinaulanan ng bala ng isang grupo ng mga suspek, sa loob ng kuwarto sa Barangay San Miguel, Pasig City kamakalawa.

Nasawi noon din ang biktimang si Ramil Enriquez,  43, ng 133 Dr. Pilapil Street, habang kritikal at ginagamot naman sa Pasig City General Hospital si Jake Pisarada, 20, ng 143 Dr. Pilapil Street, kapwa ng Barangay San Miguel, bunsod nang tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Show comments