MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang piskal nang ito ay pagbabarilin ng isang lalaki sa harap ng kanyang bahay kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Nasawi noon din si Assistant Prosecutor Diosdado Azarcon, 57, ng Caloocan City Prosecutor’s Office, at naninirahan sa No. 210-B Galauran Street, Brgy. 63 West Grace Park, ng lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Prosecutor’s Office, bago naganap ang krimen dakong alas-7:45 ng umaga sa harap ng bahay ng biktima ay papasakay sa kanyang Toyota Avanza nang lapitan ng gunman at pagbabarilin nang malapitan sa ulo saka mabilis na tumakas sa direksyon ng 10th Avenue.
Tatlong blangkong bala ng kalibre .45 baril at isang deformed na bala ang narekober sa lugar at inaalam rin ng pulisya kung may kuha ng closed circuit television camera (CCTV) sa lugar ng krimen para sa pagkakakilanlan ng gunman.
Inaalam ng pulisya ang mga kasong hinawakan ng biktima kung may kinalaman sa pamamaslang sa kanya.