Niratrat habang tumitira ng shabu... 7 drug user minasaker

MANILA, Philippines - Pitong katao na umano ay gumagamit ng shabu ang pinagbabaril at napatay ng mga suspek na pumasok sa kanilang drug den sa magkahiwalay na pangyayari sa Marikina City at  Ge­neral Trias City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat ng Marikina City-PNP, kinilala ang mga biktima na sina Rodel Aguilar, 41, ng 60 Erana J. Manalo Street,  Barangay Sto. Niño; Danilo Sernicula, 48,  ng Penguin St., Barangay Malanday; at Jesus Martin, na tinatayang nasa 50-anyos at residente ng Shoe Avenue. Habang inilarawan ang ikaapat na biktima na nasa pagitan ng 30-35-anyos at kilala bilang fish ball vendor sa lugar.

Nabatid na dakong alas-11:00 ng gabi nang pasukin ng nag-iisang suspek ang bahay ni Martin  na ipinapagamit niya bilang drug den sa kanyang mga kaibigang durugista na nais mag-pot session.

Ayon sa salaysay ni Wilfredo, pamangkin ni Martin na papalabas siya ng bahay nang makasalubong ang gunman at  pinukpok siya ng baril sa ulo at pagkatapos ay isa-isang pinaputukan ang mga biktima sa loob.

Mabilis tumakas ang suspek at sumakay sa kasamahang nakamotorsiklo na naghihintay sa pagkabas ng gunman.

Kinukumpirma pa  ng mga otoridad kung nagpa-pot session ang mga biktima dahil walang narekober na drug paraphernalia sa crime scene, ngunit nakakumpiska ng isang plastic ng shabu at aluminum foil sa bulsa ni Martin  na kasama sa drug watch list ng pulisya.

Sa General Trias City, Cavite ay pinasok ng dalawang armadong lalaki ang isang drug den at pinagbabaril ang tatlong katao kabilang ang isang 19 anyos na babae na umano ay nagsasagawa ng pot session sa isang bahay sa Sunny Brookes 1, Brgy.San Francisco ng nasabing lungsod.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Ricardo Santos, 31; Jonas Mangilag, 20; at Joan Mangilag, 19 dalaga pawang mga residente ng nasabing lugar.

Hinala ng pulisya na bago nangyari ang pagmasaker sa tatlong biktima dakong alas-11:30 ng gabi ay posibleng nagsasagawa ang mga ito ng pot session nang pasukin ng dalawang hindi pa kilalang suspek at walang kaabog-abog na pagbabarilin.

Narekober sa crime scene ang 9 basyo ng bala ng hindi pa madeterminang baril, 1 bala ng kalibre 45 at anim na naka-plastic sachet na shabu, tatlong piraso ng strip foil na may mga shabu ingredients.

Show comments