1 todas, 42 sugatan... Bus nag-drive thru sa resto

MANILA, Philippines – Isang katao ang nasawi habang 42 ang nasugatan nang aksidenteng suwagin ng isang pampasaherong bus ang isang restaurant sa tabi ng Maharlika Highway, Sariaya, Quezon kahapon ng madaling araw.

Nasawi noon din ang biktimang si Jessa Estimo, 19, dahil sa tinamong sugat sa katawan partikular sa paghampas ng ulo nito sa matigas na bagay.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na lulan ng bus kabilang ang isang 9-anyos na batang babae na taga Camarines Sur na naputulan ng kanang kamay nang maipit ito.

Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-12:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Sto. Cristo ay nag-overtake umano ang Raymund Bus (UWE-723) na minamaneho ni Leandro Deguito sa isang sasakyan.

Sa sobrang bilis ng takbo ng bus ay hindi na nakontrol ni Deguito ang manibela at sinuwag ang Kabayan Restaurant sa tabi ng highway at nasapol nito si Estimo na kasalukuyang natutulog sa loob.

Ang nasabing bus ay galing sa Lagonoy, Camarines Sur at patungong Cubao, Quezon City.

Inaresto ang bus dri­ver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries and damage to property.

Show comments