Mga tauhan sa NBP babalasahin

MANILA, Philippines – Nakatakdang ipatupad ang balasahan sa mga tauhan ng New Bilibid Prison (NBP) dahil sa mga kontrabandong nasamsam  sa magkakasunod na “Oplan Galugad”.

Ito ang sinabi ng taga­pagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor) at  New Bilibid Prison (NBP) chaplain Msgr. Roberto “Bobby” Olaguer na ibabatay sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga empleyado at opis­yal na umano’y ka­sabwat kung bakit nakakapuslit sa bilangguan ang mga kontrabando.

Ang napipintong hakbangin ng BuCor ay matapos makasamsam ang raiding team nito noong  Nobyembre 5 ng mga sako-sakong kontrabando na kinabibilangan ng mga matataas na kalibre ng baril, sari-saring mga bala, mga patalim, appliances, electronic gadget, cellphone, shabu at sex toys sa loob ng isang abandonadong kubol ng Commando Gang.

Noong Nobyembre 11 ay nakakumpiska naman  ng iba’t ibang cellphones, mga droga, mga patalim, isang TV set at air-conditioning unit sa selda ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Nasa mahigit P400,000.00 cash ang  nakuha ng raiding team ng BuCor sa mga kubol ng Quadrant 4 ng NBP, kasama rin ang sari-saring appliances at mga imported na aso.

Show comments