Balik Pinas na ang 31 Pinoy workers na naipit sa Syria

MANILA, Philippines - Nakauwi na sa bansa ang nasa 31 overseas Filipino workers (OFWs) na naipit dahil sa karahasan sa Syria.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA), dakong alas-3:10 ng hapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang 31 OFWs lulan ng Qatar Airways flight QR 926.

Sinabi ng DFA na tinanggap ng mga Pinoy repatriates ang alok ng pamahalaan na mandatory evacuation sa ilalim ng alert level 4 at pinondohan ng International Organization for Migration (IOM) ang kanilang plane ticket pauwi sa Manila.

Ang mga umuwing OFWs ay mga dating nanirahan at nagtrabaho sa Latakia,  Tartous, Aleppo at Damascus  bago sila humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus upang makauwi.

Sa report ng Embahada, bumiyahe (by land) ang 31 OFWs noong Nobyembre 10 mula Damascus patungo sa border ng Syria at Masna’a, Lebanon kasama ang mga opisyal at staff ng Embahada. Sila ay sinalubong sa border ng mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut na pinangunahan ni Chargé d’ Affaires Nestor Padalhin bago sila tumulak sa paliparan sa Lebanon.

Sa tala ng DFA, umaabot na sa kabuuang 5,668 Pinoy ang napauwi na ng pamahalaan mula Syria.

Muling nanawagan ang DFA sa mga natitira pang Pinoy sa Syria na magsiuwi na dahil sa nananatili ang pagpapatupad ng mandatory evacuation sa nasabing bansa sanhi ng patuloy na karahasan doon.

Sa mga Pinoy na nais umuwi, maaaring kumontak sa Embahada sa Damascus sa 00963-11-613-2626, 00963-84-815-5557, 00963-93-495-7926 o mag-email sa pe.damascus@gmail.com at sa Facebook page, The Embassy of the Republic of the Philippines, Damascus.

Show comments