Away-trapiko: Mister dedo sa suntok

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang isang 59-anyos na lalaki, matapos na suntukin ng suspek na nakagitgitan nito sa kalsada kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Ang nasawi ay kinilalang si Delio Bathan na residente ng lungsod.

Hindi pa nakikilala ang suspek na mabilis tumakas sakay ng kanyang kulay puting Mazda na may conduction sticker na RJ 8178.

Lumalabas sa imbestigasyon, bago naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng gabi sa Ortigas Ave. Barangay Ugong ay nagkagitgitan ng biktima na minamaneho ang Toyota Vios na may plakang TXO-734 at sasakyan ng suspek.

Kapwa bumaba ng kanilang sasakyan ang dalawa at nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa panununtok ng suspek sa biktima.

Ayon sa saksing cigarette vendor tinigilan lang ng suspek ang kanyang ginagawang panununtok sa biktima nang ito ay  matumba at bumuwal sa kalsada kaya’t mabilis na pinatakbo ang kanyang sasakyan para tumakas.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Pasig police at nakikipag-ugnayan na sa pamunuan ng Mazda Philippines upang mabatid kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan na nakagitgitan sa kalsada ng biktima.

Show comments