Mister nilayasan nagbaril sa sarili, silid sinilaban

MANILA, Philippines – Nagbaril muna sa sa­rili ang isang mister bago silaban ang mga damit sa kanyang inuupahang silid kahapon ng umaga sa Quiapo, Maynila.

Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Guillermo Abad, 60 ng no. 1064 Arlegui St., Quiapo, Maynila dahil sa dalawang tama ng bala sa dibdib.

Batay sa ulat, bago nangyari ang pagpapakamatay ng biktima dakong alas-8:30 ng umaga sa loob ng kanyang silid ay nilayasan umano ito ng kanyang misis dahil sa mainitang pagtatalo.

Dito ay narinig ng kapitbahay na si Rowena Jurane, 22 ang isang pu­tok ng baril mula sa silid ng biktima at kasunod ay napansin ang maitim na usok na lumalabas dito.

Agad niya itong ipinaalam sa may-ari ng paupahan na si Jon Cruz at pinagtulungan buhusan ng tubig hanggang sa mamatay ang apoy sa pintuan.

Nang isara ang pinto ay nakita nila ang biktima na duguang nakahandusay na may hawak na baril.

Nagulat ang dalawa nang makitang gumalaw ang biktima at muling binaril ang sarili  kaya’t sa halip na saklolohan ay natakot ang mga ito at nagsitakbuhan papalayo at tumawag ng mga barangay officials.

Nabatid na bagong lipat pa lamang ang biktima at misis nito sa nasabing tirahan  dahil inirereklamo sila sa  dati nilang tirahan sa madalas nilang pag-aaway na mag-asawa.

Show comments