Buntis na misis sinaksak sa tiyan ng mister

MANILA, Philippines - Isang misis na pitong buwang buntis at ang  sanggol na nasa sinapupunan nito ang nasa kritikal na kondisyon matapos na saksakin ng kanyang mister na  nagtangka ring mag-suicide sa Brgy. Mampang, Zamboanga City kamakalawa.

Ang biktima na nasa kritikal na kondisyon ay kinilalang si Sahaya Bakil, 32 at sanggol nito.

Nasugatan din ang nasabing mister na kinilala namang  si Dilira Bakil, 41-anyos matapos itong magsaksak sa sarili sa bigong pagtatangkang mag-suicide.

Sa ulat ng Zamboanga City Police, naganap ang insidente sa Brgy. Mampang,  Zamboanga City dakong alas-10:00 ng gabi nang sunduin ng mister ang buntis nitong misis sa bahay ng isa nitong kamag-anak na  tumutulong sa paghihiwa ng gulay at karne ang ginang kaugnay ng gaganaping kasalan para sa pamangkin nitong lalaki kinabukasan.

Napilitan na umuwi ng bahay  ang ginang matapos magalit ang mister at  sa gitna ng pagtatalo ay tinanong nito kung sino ang ama ng kaniyang ipinagbubuntis dahilan sa nagseselos umano ang suspek  dahil ginagabi sa pag-uwi ang asawa na baka may kinalolokohan na umanong ibang lalaki.

Sa tindi ng panibugho ay pinagsasaksak ng nasabing mister sa tiyan at leeg ang misis at nang makitang umaagos ang dugo sa tiyan nito ay nagtangka ring mag-suicide nang saksakin ang sarili.

 

Show comments