4 NPA rebels, nadakip

MANILA, Philippines – Nadakip ng militar at pulisya ang pinaghihinalaang kanang kamay ng napaslang na lider ng New People’s Army (NPA) na si Commander Leoncio Pitao alyas Commander Parago  at tatlo pa nitong kasamahan sa operasyon sa Davao City  kamakalawa.

Kinilala ni 1Lt Alexandre Caballes, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID) ang nasakoteng suspek na si Joel Quano, sa isang karinderya sa Calinan District ng lungsod.

Ang suspek ay inaresto, bandang alas-12:00 ng tanghali sa  bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay ng mga kasong murder, attempted murder at robbery.

Nadakip din ang tatlo pang kasamahan ni Quano na kinilalang sina Mike Capito, Ranny Niñal at Ale­xander Abalos na nasamsaman ng dalawang granada, isang handgun at ang bag na dala nito na naglalaman ng Improvised Explosive Device (IED).

Show comments