Preso inutas sa kanyang paglaya

Ang bangkay ng biktimang si Mario Pagaura, 35, miyembro ng Sputnik gang na sangkot sa  kasong drug pushing at robbery hold-up ang binaril at napatay ng riding-in-tandem sa Capulong at Velasquez Sts., Tondo, Maynila. Bening Batuigas

MANILA, Philippines – Sa mismong araw ng kanyang paglaya pinagbabaril at napatay ang isang preso habang katabi ang kanyang misis sa loob ng pedicab kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ang biktima na namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa leeg ay kinilalang si Mario Pagaura, 35-anyos, miyembro ng Sputnik gang at residente ng Building 27, Unit 86, Temporary Housing sa nasabing lugar.

Batay sa ulat, bago nangyari ang pagpatay sa biktima dakong alas-8:15 ng gabi sa Capulong St., Tondo ay inaresto ito noong Marso 4 sa kasong illegal drugs.

Nang isalang sa inquest proceedings ay nagpalabas naman ng resolusyon ang Manila Prosecutors Office ng release order dahil “for further investigation” pa ang kasong kinakaharap.

Pinalaya ang biktima sa MPD-station 1 detention facility na sinundo pa ng kaniyang live-in partner na si  Edna Musni na sakay sa pedicab.

Walang kamalay-malay ang biktima na sinundan sila ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at nang makadikit ay pinagbabaril ang una na agad nitong ikinasawi. Hindi naman sinaktan ang driver at si Musni.

Show comments