Dating traffic enforcer sinalpok ng truck

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang dating traffic enforcer nang ito ay masalpok habang minamaneho ang kanyang motorsiklo ng isang  truck kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Ang nasawi ay kinilalang si Wilfredo Eisma, 37, ng Block 35, Lot 6, Manolo Compound, Barangay Dalandanan.

Ang  suspek na  agad nadakip at nakakulong ay kinilalang si Joseph Legaspi, 26, naninirahan sa Bone South, Aritao, Nueva Viscaya.

Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-2:45 ng mada­ling araw sa harap ng isang gasolinahan na matatagpuan sa kahabaan ng Mc Arthur Highway, Barangay Malanday, Valenzuela City ay minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo (7632-XY) pauwi sa kanilang bahay mula sa inuman ng mga kasama.

Bigla na lamang itong nasalpok ng Fuso Tractor Truck (TMK-NUM-322), na minamaneho ni Legaspi at tumilapon ito na kung saan ay humambalos ang katawan sa  kalsada. - Lordeth Bonilla-

Show comments