4 treasure hunter patay sa hukay

MANILA, Philippines – Kamatayan ang nahanap ng apat na treasure hunter matapos na maaksidenteng makuryente at mahulog sa malalim na bahagi ng hinuhukay nilang tunnel sa tabing dagat kamakalawa sa Danao City, Cebu.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ernesto Ogabao, 49; Jess Christian Miguel, 21; Dionel Ma­yol, 19; at Amick Bunconsejo; pawang residente ng Sitio Pasil, Brgy. Maslog ng lungsod.

Batay sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon nang unang marekober ng search and rescue team ang bangkay nina  Ogabao at Mayol sa hukay na may lalim ng 25-30 talampakan.

Bandang alas-8:00 ng gabi nang sumunod na marekober bangkay nina Miguel at Bunconsejo.

Batay sa imbestigasyon, bandang alas-11:00 ng umaga  habang naghuhukay ang mga biktima sa tunnel ng Brgy. Maslog, Danao City nang mangyari ang malagim na insidente.

Nabatid na pilit uma­nong tinatakpan ni Bunconsejo ang  siwang sa tunnel upang mapigilan itong pasukin ng tubig dagat kapag high tide nang aksidente nitong mahawakan ang live wire na konektado sa water pump na kanilang ginagamit.

Nahulog sa tunnel si Bunconsejo na nagawa pang makasigaw sa paghingi ng tulong at habang tinatangkang iligtas ng tatlong kasamahan ay nakuryente rin sila at bumulusok sa malalim na hukay sa nasabing tunnel.

Show comments