Nang-agaw ng motorsiklo, napatay

MANILA, Philippines – Napatay sa shootout ang isang magnanakaw ng motorsiklo matapos na makipagbarilan sa mga pulis kahapon sa Taytay, Rizal.

Ayon kay Rizal Provincial Director, Senior Supe­rintendent Bernabe Balba na wala silang nakuha na pagkakakilanlan sa suspek na armado ng kalibre 38 baril na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat, alas-2:30 ng madaling araw ay dala ng tinedyer na biktima ang kanyang motorsiklo na Honda XRM na kulay pula kausap ang ilang barkada habang nakatambay sa Sumulong High School, Brgy.San Isidro nang sumulpot ang suspek at tinutukan ito ng baril.

Walang nagawa ang biktima nang kunin ang kanyang motorsiklo ng suspek na mabilis na tumakas patungo sa L. Wood, Barangay Dolores.

Napansin ito ng mga nagpapatrulyang mga barangay tanod na siyang nag-report sa mga pulis.

Kaya naman ay naglagay ng checkpoint ang mga pulis sa lahat ng daraanan ng suspek hanggang sa ito ay dumaan sa checkpoint sa  kanto ng Manila East Road at Velasquez St.
Pinara ang suspek ng mga pulis, subalit hindi ito huminto kaya’t hinabol hanggang sa makorner sa kahabaan ng Coastal Road, Baytown.

Sa halip na sumuko ay pinaputukan ng suspek ang mga pulis na gumanti ng putok at napatay ito.

Show comments