Special awards SA 2014 MBC National Choral competition, inilabas

MANILA, Philippines - Bukod sa kampeonato sa children’s division at open category, may mga special awards pa na maaaring iuwi ng mga batikang chorale na kasali sa darating na 2014 MBC National Choral Competitions.

Pararangalan din ng Manila Broadcasting Company at Star City ang  pinakamahusay na Show Choir at  Original Novelty Arrangement. Ang Globe Telecom naman ay magbibigay ng  People’s Choice award, base sa mga boto ng mga manonood.

Apatnapu’t apat na choral ensembles mula sa iba’t-ibang lalawigan ang kalahok sa taong ito, kabilang na ang mga kinatawan ng Benguet, Ilocos Norte, Isabela, Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Cavite, Rizal, Cebu, Iloilo,  Aklan, South Cotabato, at Agusan del Sur na siyang makakalaban ng mga chorale sa Metro Manila.

Ang magwawaging children’s choir ay mag-uuwi ng P100,000  habang ang open category winner ay tatanggap ng P150,000.

Mapapanood na’ng “live” sa RHTV ang 2014 MBC National Choral Competitions sa December 9-13, mula alas-6:00 ng gabi.  Tampok bilang hosts ang mga kilalang deejay mula sa 90.7 Love Radio, 101.1 YesFM at 96.3 Easy Rock.  Magtatanghal din ang ilang kilalang mang-aawit kasama sina Sarah Caballero, Darren Espanto, Morisette Amon, Jonalyn Viray, at ang bandang Aegis.

Libre ang pagpasok sa Aliw Theater upang panoorin ang labanan ng mga choir. Para sa karagdagang kaalaman, maaaring tumawag sa telepono bilang 555-3477, 832-6125, o tingnan ang official Facebook page ng MBC National Choral Competitions.

Show comments