Kaibigang bading sumali din... Dalaga ni-rape ng ka-eyeball

MANILA, Philippines – Humantong sa panghahalay ang pakiki­pag-inuman ng isang 19-an­yos na dalaga sa kanyang ka-eyeball at sa kaibigang ba­ding naganap kamakalawa sa isang bahay  sa San Isidro Drive, Brgy. Guiwan, Zamboanga City.

Ang biktima na itinago sa pangalang Anne ay nagsampa ng reklamo laban sa bagong kakilala na si Benjamin Pingad, 19 at kaibigan nitong bading na si Jose Carlo Angelo Sanson, 26.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang panghahalay kay Anne dakong alas-4:20 ng madaling araw ay kasama nito ang kaibigang si Sanson na makipagkita kay Pingad.

Nang magkita ay niyaya ni Pingad ang biktima at si Sanson sa bahay nito sa Aquarius Street ng naturang barangay na mag-inuman.

Nang malasing si Anne ay naramdaman nito na siya ay binuhat ni Pingad at dinala sa silid nito at doon ay hinubaran siya.

Habang hinahalay ay pinaglalamas naman ni Sanson ang maseselang bahagi ng kanyang katawan.

Hindi umano makapalag ang biktima sa labis na panghihina dulot ng sobrang kalasingan.

Nang matapos ang makamundong pagnanasa ay pinauwi ang biktima na nagsumbong sa mga magulang na sinamahan naman sa himpilan ng pulisya para ipagharap ng  kaso ang mga suspek.

Nasakote naman sa follow-up operation ang mga suspek na nahaharap sa kasong rape at acts of lasciviousness.

Show comments