Konsehal itinumba ng riding in tandem

MANILA, Philippines - Binistay ng bala  ang isang konsehal ng munisipyo  ng  dalawang di kilalang armadong salarin  sakay ng motorsiklo sa Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ni Supt. Jacinto Malinao, hepe ng Lipa City Police kinilala ang nasawing biktima na si Balete  Municipal Councilor Rodante Encallado.

Naganap  ang insidente dakong alas-10 ng umaga habang may binibili si Encallado sa isang motorcycle shops sa Brgy. Marawoy nang bigla siyang lapitan ng mga suspects at walang awang pagbabarilin.

Ang driver na suspect  ay nakasuot umano ng kulay dalandan na t-shirt at short pants. Habang ang angkas nito ay nakasuot naman ng kulay itim na jacket, itim na helmet at kapwa sakay umano ng motorsiklong walang plaka.

Hindi pa rin matukoy kung anong uri ng kalibre ng baril ang ginamit ng mga suspects na agad na tumakas matapos ang insidente.

Nabatid na ang biktima ay nasa huling termino na ng pagiging konsehal nito sa Balete, Batangas. Pinaniniwalaan namang pulitika ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments